Basahin sa wikang Ingles
Ang artikulong ito ay isinulat ni Kyle Nicole Marcelino para sa Youth Advocacy and Communications for Internet Freedom project ng EngageMedia, na naglalayong ipalaganap ang kaalaman at pakikibahagi ng mga kabataan sa Asia-Pacific sa mga isyung may kinalaman sa digital rights.
Si Kyle Nicole Marcelino ay isang digital native at journalist graduate mula sa Polytechnic University of the Philippines. Isa siyang aktibong kasapi ng #FactsFirstPH initiative ng Rappler bilang fact-checker upang labanan ang mga maling sabi-sabi tungkol sa politika, polisiya sa pamahalaan, at mga isyung panlipunan sa Pilipinas.
Bilang fact-checker sa news outlet na Rappler, kadalasan na akong nasa social media upang magmatyag ng mga kahina-hinala o kaduda-dudang post. Isa sa mga napansin kong umuusbong ngayon ang mga YouTube videos na gumagamit ng mga edited na mga larawan at video para sa mga sabi-sabi ukol sa ginto ng mga Marcos – mga haka-haka sa laksa-laksang ginto ng dating Pangulong Ferdinand E. Marcos.
Mula sa politika hanggang sa relihiyon, patuloy ngang umuusbong ang paggamit ng artificial intelligence (AI) sa mundo ng disinformation sa Pilipinas. Dala na rin ng mga pagpupursiging maipaunlad ang mga kakayahan nito, mas madali nitong nalilinlang ang maraming tao, na lalo namang nagpapapahirap sa mga journalists at fact-checkers na labanan ang patuloy na paglaganap nito sa isang bansang tinuturing na “patient zero” ng information disorder sa buong mundo.
Tulad nga ng sinabi ng batikang journalist na si Inday Varona sa aking panayam sa kaniya: “Kung ang social media ay ang mundo na naka-steroids, isang mundong lango sa shabu ang dulot ng AI.”
Naniniwala ang pinuno ng Pilipinas na “ready” na ang bansa para sa “kinabukasang kasama” ang AI. Ngunit iba ang ipinapahiwatig nitong hinaharap sa lalong umiigting na disinformation culture sa bansa.
Ang Panganib ng AI Disinformation
Sa mas malawak na kategorya ng AI, tumutukoy ang machine learning sa pagpapagana sa mga computer system na gumamit ng algorithms upang pag-aralan at gumawa ng mga desisyon ayon sa mga datos na natatanggap nito. Tumutukoy naman ang Generative AI Models sa AI na kayang bumuo ng isang bagong gawa mula sa mga impomasyong natatanggap, ayon sa Google.
Pinaniniwalaang aabot sa 99% ng laman ng internet sa hinaharap ay manggagaling sa gawa ng AI kung lubusan itong maisusulong, ayon na rin sa mga pag-aaral sa Copenhagen Institute for Future Studies. Nagbabala na rin ang ilang security experts ukol sa dalang panganib ng AI sa demokrasya dahil kayang-kaya itong gamitin upang impluwensyahan ang taumbayan sa pagpapasya sa mga polisiya at sa mismong pamumuno sa bansa.
Di tulad ng Photoshop o ng mga edited na larawan, mas madaling maipakalat ang mga kapani-paniwalang haka-haka ng ilang tipa lang sa tulong ng AI. Nakita na natin ito sa mga nag-viral na mga larawan ni Pope Francis na naka puff sweater, mga imahe ng dating US President Donald Trump na pwersahang hinuhuli, o ang mga pahayag ng modelong si Bella Hadid na binabawi ang kanyang mga sinabi laban sa karahasan ng Israel sa Gaza. Binalita rin ng The New York Times kung paano ginagamit ang mga AI chatbots tulad ng ChatGPT upang gumawa ng mga kapani-paniwalang pahayag na mas mabilis na naipapalaganap sa madla.
Bilang isang bansang madaling pasukin ng disinformation at misinformation, malaking epekto ang maaring maidulot ng ‘di regularisadong pagpapaunlad sa AI sa Pilipinas.
Dito nga sa aking trabaho bilang fact-checker, nakasalubong na ako ng ilang mga YouTube videos na gumagamit ng AI generated images para sa mga thumbnails nito, tulad ng channel na Sa Inyong Araw na mayroong 330,000 subscribers. Ilang beses nang na-fact check ang channel na ito dahil sa pagpapakalat ng mga usap-usapan tungkol sa politika, relihiyon, at mga sakuna.
Di na rin bago ang pagmamanipula ng tunog o ng mismong video upang magtulak ng sariling idelohiya sa mga tao gamit ang AI. Tulad na lang ng isang audio clip ng ‘di umano’y pahayag ng dating diktador na si Marcos na pinararatangang sinayang ng yumaong Pangulong Corazon Aquino ang proyekto nitong Bataan Nuclear Power Plant. Hindi pa napapatunayang si Marcos nga mismo ang nagsabi ng mga pahayag na ito, ayon na rin sa VERA Files, isa pang fact-checking body sa Pilipinas. Lalo namang pina-igting ng pag-usbong ng AI ang pagkalat ng naturang audio clip sa social media, lalo na sa TikTok.
Kahit ang mga kabataan ngayon – na kadalasang tinuring na mga digital natives dahil na rin sa pagiging tech savvy at media literate – ay ‘di ligtas sa panlinlinlang ng AI. Nakita na ito sa isang AI-integrated video at mga deepfakes na kumakalat sa TikTok, tulad na lang nitong isang edited clip mula sa pelikulang Jose Rizal noong 1998. Marami sa mga comment section ang ‘di nakapansing edited lamang ito gamit ang AI upang pagmukhain ang mga artista kahawig ang mga totoong bayaning ginagampanan nila.
Kawalang ng Regularisasyon sa AI
Hindi naman masasabing walang naging tugon ang pamahalaan sa lumalaking market para sa AI. Naglabas nga ang Department of Trade and Industry ng isang national roadmap noong 2021 para sa kahandaan ng AI ng bansa, na binabalangkas ang mga estratehikong priyoridad at responsibilidad para paggamit at pag-develop ng AI sa gobyerno, industriya, at akademya.
Subalit, nakatuon lamang ang roadmap sa epekto ng innovations at developments sa mga manggagawa, hindi sa ethical use at implementation ng mga AI tools sa lipunan.
May batas nang inihain upang tugunan sana ang pagkukulang na ito, ang House Bill No. 7396 o Artificial Intelligence Development Authority Act na nagsusulong na bumuo ng isang ahensya upang pangasiwaan ang paglaganap ng AI sa bansa at pagpigil sa pag-abuso nito. Nanatili pa ring pending ang bill sa House Committee on Science and Technology mula nang sinumite ito noong Marso 2023.
Ang kawalan ng matibay na regularisasyon para sa wastong paggamit ng AI ay nangangailan ng agarang aksyon, lalo na’t mas nailalapit na ito sa taumbayan, tulad na nga ng paggamit ng deep fake sa isang segment sa Showtime, isang noontime show sa Pilipinas. Ngayon ang tamang panahon upang ipanawagan ang dalang panganib ng AI sa media literacy at disinformation culture sa bansa.
Paglaban sa AI Disinformation
May mga grupo at indibidwal na rin namang gumagawa ng paraan upang labanan ang tuluyang pagkalat ng AI disinformation sa bansa. Nandito ang mga journalists at advocacy groups na naglulunsad ng mga online seminars upang turaan ang mga kabataang Pilipino sa mga epektong dala ng makabagong teknolohiya sa Pilipinas at upang lalong mapahusay na rin ang media literacy ng mas maraming Pilipino.
Patuloy na nananawagan ang National Union of Journalists of the Philippines na magkaroon ng dayalogo sa pagroteksyon sa bansa sa umuusbong na AI disinformation ngayon sa age of digital information. May mga grupo rin naman tulad ng The AI Revolution in Media and Communication, MovePH, at DCN Global na naglunsad ng ilang webinars ngayong taon upang pag-usapan ang mga estratehiyang ginagamit upang magpakalat ng AI disinformation at kung paano ito susugpuin. Nakikipagtulungan naman sa mga lokal at internasyonal na mga ahensya ang Break the Fake Movement at ang University of the Philippines (UP) para tulungan ang mga kabataan upang mas madaling malaman kung alin ang gawa ng AI.
Ilang batikang journalists na rin ang nagsalita ukol sa kung paano maari ring gamitin ang AI para labanan ang paglaganap ng disinformation sa Pilipinas. Naglathala na rin ang UP ng isang joint recommendation sa magiging “guiding principle” ng AI, kabilang ang responsibilidad na “hulaan ang mga kahihinatnan, pagaanin ang mga panganib, at maiwasan ang mga mapaminsalang kahihinatnan.”
Habang may mga inisyatibang nagtataguyod ng karunungan sa AI disinformation, maari rin tayo mismong mga gumagamit ng internet na labanan ang pagkalat nito sa pamamagitan ng pagsunod sa mga prinsipyo ng fact-checking. Gaano man kahirap matyagan at tukuyin ang AI-generated disinformation sa totoong buhay, hindi nito matutumbasan ang digital literacy upang magbantay laban sa mga haka-haka lamang.
Verification ang puso ng journalism. Sa ganito ring paraan masusugpo ang mga katulad na posts sa social media. Hanggat maaari, laging suriin kung sa mga pinagkakatiwalaang source galing ang balita, tulad ng mga opisyal na wesbite para sa gobyerno, mga kumpanya, at mga news organisations. Maging mapanuri rin sa mga maliliit na detalye sa mga kaduda-dudang larawan, tulad na lamang kung may mga sobrang daliri ba o mga di malinaw na imahe sa background. Nakakatulong din ang pag-reverse-search ng mga larawan at videos upang alamin ang katunayan nito. Meron namang mga sites na gumagamit ng AI, tulad ng Copyleaks at Scribbr, upang suriin ang mga teksto na gawa ng AI.
Mukhang nakaka-pressure man ang mga kailangang gawin para lamang ma-verify ang isang post, mahalaga ito upang masigurado na walang AI o makinang kayang makasupil sa boses ng katotohanan.
Comments are closed.