Basahin sa wikang Ingles
Ang artikulong ito ay isinulat ni Isaiah Emmanuel Suguitan para sa Youth Advocacy and Communications for Internet Freedom project ng EngageMedia, na naglalayong ipalaganap ang kaalaman at pakikibahagi ng mga kabataan sa Asya-Pasipiko ukol sa mga isyung may kinalaman sa digital rights.
Si Isaiah Emmanuel Suguitan ay isang mag-aaral ng Nutrisyong Pampamayanan mula sa Unibersidad ng Pilipinas Diliman. Siya ay isang advocate ng human rights, digital rights at digital accessibility, kalusugan at nutrisyon, at malayang pamamahayag. Sa kasalukuyan, siya ay kasapi ng Amnesty International Philippines at isang Affiliate ng Nutrisyon at Diyetetika sa Veterans Memorial Medical Center. Noong Oktubre 2023, si Isaiah ay naimbitang magsalita para sa Amnesty International bilang Youth Delegate sa UN Rights of the Child Resolution sa New York City.
Photo by Tran Mau Tri Tam on Unsplash
Higit sa 2,300 na mga higher education institution (HEI) ang matatagpuan sa Pilipinas, kung saan higit 70% sa mga ito ay pampribado. Ngayon, mas maraming mga Pilipino ang nakatamasa ng edukasyon kaysa sa mga nakalipas na taon, kung saan 13% ay nakapagtapos ng kolehiyo noong 2020, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA). Inulat din ng PSA na mahigit 97% sa mga Pilipino ngayon ay marunong magsulat at magbasa. At nang matapos ang academic year 2021-2022, mahigit apat na milyong mag-aaral ang naka-enroll sa iba’t ibang HEI ayon sa Commission on Higher Education (CHED).
Gayunpaman, patuloy na nagkakaroon ng mga balakid sa pag-access ng edukasyon—mula sa mga socioeconomic barriers hanggang sa kakulangan ng gamit at ang digital divide. Pinalala ng pandemyang COVID-19 ang pag-akses sa edukasyon nang lumipat lahat sa online. Bagamat mahirap na sa mga mag-aaral na makapasok sa kolehiyo, para sa maraming mga estudyante araw-araw na kalbaryo ang manatili rito hanggang makatapos. Alam na alam ko ito, sapagkat isa ako sa mga kabataang kinailangang ipagsabay ang pagta-trabaho at pag-aaral upang mabuhay.
Bumalik na ngayon sa blended face-to-face classes (hindi bababa sa 50% ng mga klase ay face-to-face) ang mga mag-aaral sa kolehiyo bilang pagsunod sa utos ng CHED. Nagdulot ito ng iba’t ibang uri ng alalahanin para sa mga mag-aaral dahil sa malaking gastusin na kaakibat ng pagbalik sa campus tulad ng transportasyon, dormitoryo, pagkain, at iba pa – dagdag pa rito ang access sa mga teknolohiyang digital na kinakailangan ngayon sa pag-aaral sa ilalim ng “new normal”.
Mataas na edukasyon sa panahon ng pandemya
Inilabas ng CHED noong 2020 ang Memorandum Order 4 na nagtatakda sa mga HEI na mag-transisyon sa flexible learning.
“Ang flexible learning ay isang pedagogical approach na nagbibigay-daan sa flexibility ng oras, lugar, at audience kasama, ngunit hindi lamang nakatutok, sa paggamit ng teknolohiya. Bagama’t karaniwang ginagamit nito ang mga paraan ng paghahatid ng distance education at mga pasilidad ng education technology, maaaring mag-iba ito depende sa antas ng teknolohiya, pagkakaroon ng mga device, koneksyon sa internet, antas ng digital literacy, at mga pamamaraan”, ayon sa komisyon.
Kinikilala ng kahulugan ng CHED sa flexible learning na ang pagkatuto sa online setup ay lubhang nag-iiba ayon sa mga personal na kakayahan ng mag-aaral. May implikasyon ito sa mga mag-aaral na may limitadong akses sa mga digital resources sa panahon ng isang pandaigdigang krisis sa kalusugan, na nagpalawak pa lalo ng digital divide.
Maliban sa aksesibilidad, marami pang naging hadlang ang mga mag-aaral sa flexible learning environment. Ayon sa pag-aaral nina Rotas at Cahapay noong 2020, mayroong labindalawang (12) uri ng problemang naranasan ang mga mag-aaral sa nasabing setup. Kabilang dito ang “unstable internet connectivity, inadequate learning resources, electric power interruptions, vague learning content, overloaded lesson activities, limited teacher scaffolds, poor peer communication, conflict with home responsibilities, poor learning environment, financial-related problems, physical health compromises, at mental health struggles”. Dahil dito, naging “survival of the fittest” ang pag-aaral sa kolehiyo kung saan ang mga may kaya sa buhay ay nakasunod sa paglipat sa online modality, at ang mga kapos sa akses at may pinagdaraanang ekonomikal, sikolohikal, at pang-akademikong mga suliranin ay napag-iiwanan.
Maraming mga mag-aaral ang hindi makasunod sa flexible learning environment, lalo na noong mga unang araw ng pandemya. Ayon sa Philippine Association of State Universities and Colleges, tinatayang nasa 50,000 na mag-aaral ang hindi makaka-enroll sa panahon ng pandemya, at 81% sa mga ito ay nasa kolehiyo.
Sa Unibersidad ng Pilipinas (UP), mahigit 5,600 na mag-aaral ang nanganib na hindi makapag-aral, at 1,600 sa mga ito ay walang kakayahang makapag-aral sa online setup. Bunga nito, marami ang nag-apply para sa tulong pinansyal, tulad ng Student Learning Assistance System (SLAS), na nagsilbing tanging pag-asa para makapagpatuloy sa pag-aaral ang mga estudyante sa panahon ng pandemya. Gayunpaman, nagdulot ng maraming problema ang SLAS sa mga humihingi ng tulong dahil sa mga naging antala. Ayon sa mga benepisyaryo, hindi naging tiyak ang kanilang patuloy na pag-aaral sa unibersidad dahil sa matagal na paghihintay para sa tulong pinansyal.
Bilang mag-aaral ng UP, nag-apply ako sa SLAS ngunit ilang beses din akong natanggihan bagamat nagpakita ako ng matinding pangangailangan. Lagi kong bubuksan ang aking cellphone at ire-refresh ang email pagkagising, umaasa na makakakuha ng approval para sa aking apela. Sa bawat rejection email na natanggap ko, naisip kong ang pag-drop out para magtrabaho ang tanging paraan ko para mabuhay. Isang emosyonal na karanasan na ang ipatunay sa unibersidad na hindi ko kakayanin makapagpatuloy sa pag-aaral nang walang tulong; sa bawat rejection na nakuha ko, lalo kong naramdaman na ang pag-aaral ay para lamang sa mga mayayaman.
Itinanim nang maigi sa aming magkakapatid na ang edukasyon ay nakapagpapaangat sa tao sa ating lipunan. Sa bawat rejection na natanggap ko, naramdaman kong tila ba nabawasan ang aking pagkatao dahil lamang hindi ako pinanganak na may kakayahang sustentuhan ang aking pag-aaral.
Mataas na edukasyon sa “new normal”
Simula noong isang taon, nagsimula nang bumalik sa campus ang mga mag-aaral bilang pagsunod sa mandato ng CHED. Subalit, marami pa rin ang walang kakayahan na bumalik sa campus dahil sa malaking gastusin na kaakibat nito.
Sa UP, pinahintulutan na ang pagpapatuloy ng face-to-face classes mula noong ikalawang semestre ng academic year 2022-2023. Ngunit iginiit pa rin ng mga mag-aaral na ang mga polisiya ukol dito ay dapat alinsunod sa mga pangangailangan ng mga estudyante.
Naglathala ng posisyong papel ang UP Diliman University Student Council (UPD USC) at Rise for Education – UP Diliman (R4E-UPD) ukol sa pagbalik sa face-to-face classes na sumangguni sa higit 3,708 na mag-aaral (90% sa mga ito ay mga nasa undergraduate level). Ayon sa papel, maraming mga mag-aaral ay nagtatrabaho (10.2%) at nakikihati ng internet connection at gadget sa kanilang mga kasama sa bahay (13.2%). Dahil dito, inirekomenda ng UPD USC at R4E-UPD na gamitin ang blended learning sa mga klaseng pang-laboratoryo sa pamamagitan ng pag-broadcast o pag-record ng mga aralin para matulungan ang nahihirapang bumalik sa campus.
Bilang mag-aaral ng agham pangkalusugan, naalala kong naging balakid ito sa aking pag-aaral dahil matututunan ko lamang ang ilang kasanayan sa pamamagitan ng face-to-face na klase. Subalit may pag-aalinlangan din akong bumalik sa campus hindi lamang dahil sa mga gastusin, ngunit kundo dahil sa limitadong digital resources na kahati ko rin sa aking mga kapatid.
Kung bumalik ako sa unibersidad at dala ko ang aking laptop, paano naman ang aking mga kapatid at ang kanilang mga takdang aralin?
Digital inaccessibility bilang isyung pang-digital rights
Ang pagkakaroon ng access sa mga teknolohiyang digital ay isanng isyung digital na laganap sa mga Global South na bansa tulad ng Pilipinas—kung saan ang access sa WiFi o smartphone ay nananatiling pribilehiyo. Kadalasan nating natatalakay ang mga paglabag sa karapatang pantao sa digital space na may kinalaman sa gender at sekswalidad at malayang pamamahayag. Ngunit, ang inaccessibility ng medium para sa mga Pilipino ay ang pangunahing isyung pang-digital rights na kinakalaban nila.
Ayon sa mga pag-aaral, ang Pilipinas ang isa sa mga bansa sa Timog Silangang Asya na may pinakamababang access rate sa internet sa mga paaralan. Dahil dito, iilan lamang sa mga Pilipino ang maituturing na digitally literate (o may kakayahang gumamit at makaintindi ng mga teknolohiyang digital), na nagtatakda sa kanila sa dulo ng digital divide. Para sa mga Pilipinong nasa mas mababang katayuang pang sosyo-ekonomiko, mas kailangan nilang pagtrabahuhan ang pagkakaroon at pagpapanatili ng access sa teknolohiya.
Sa paaralan, tinuturuan kaming mag-isip bilang mga 21st century learners, ngunit kulang ang kakayahan at resources namin para gawin ito. Hindi bago ang kwento ko sa mga kabataang Pilipino–matagal nang naratibo ang pangangailangang magtrabaho nang puspusan upang makasunod sa agos kahit may hadlang ng inaccessibility at social divide.
Hangad ko ang isang kinabukasan kung saan hindi na makabagong kwento ang mga istorya ng mga Pilipinong mag-aaral na kailangang mag-trabaho para magkaroon ng laptop sa pag-aaral —dahil lahat ay mayroon nang access dito. Ngunit hanggang nananatiling pribilehiyo ang pagkakaroon ng laptop at computer, ang magagawa ko lamang ay maghangad at tumindig.