Basahin sa wikang Ingles
Ang artikulong ito ay isinulat ni Rowella Marri Berizo para sa Youth Advocacy and Communications for Internet Freedom project ng EngageMedia, na naglalayong ipalaganap ang kaalaman at pakikibahagi ng mga kabataan sa Asia-Pacific sa mga isyung may kinalaman sa digital rights.
Si Rowella Marri, mas karaniwang tinatawag na Owe (Oh-wee), ay isang gender at digital rights activist mula sa Pilipinas. Kasalukuyan siyang nagtatrabaho bilang Project Officer ng Ayaw Ko Pagyawa-a, isang social media campaign na naglalayong i-mainstream ang digital rights at kamalayan ng online na gender-based na karahasan sa Pilipinas. Sundan ang kampanya sa Instagram @ayawkopagyawaa at sa X (dating Twitter), @pistingyawa1125.
Babala sa nilalaman: Pagbanggit sa Sekswal na Karahasan
Lubhang nagbago ang mundo dahil sa internet at social media. Sinasamantala ng mga kabataang Pilipino ang mga makabagong posibilidad na pwedeng ialok ng digital age, partikular na sa larangan ng libangan at pagkonekta sa isa’t isa online. Kitang-kita ito sa kasikatan ng mga online celebrities at influencers na nakatagpo ng tagumpay sa pamamagitan ng paggamit ng teknolohiya at social media upang maakit ang mundo sa kanilang galaw sa pagsasayaw, tulad na lamang ng Tiktoker na si Niana Guerrero, o sa pagbahagi ng kasiyahan at inspirasyon sa kanilang kwentong buhay, tulad ng sikat na Youtuber na si Mimiyuuh. Ang internet at social media ay nagsisilbing tulay rin sa agwat sa pagitan ng mga manonood at kanilang mga paboritong influencers, sapagka’t ang kailangan lamang ng mga kabataang Pilipino ay ang kani-kanilang telepono at koneksyon sa internet upang makapag-pahayag, manood, at magkomento ng kanilang naisip. Gayunpaman, nagbunga rin ito ng kultura ng mga hindi kaaya-ayang gawain kagaya na lamang ng “sliding into DMs,” at ng “calling out”, na may pailalim na pahiwatig ng sexism, ageism, at racism.
Kahulugan ng online gender-based violence
Inalala ni Stevie, isang labing-anim na taong gulang na Pilipino, ang kaniyang karanasan ng pagtanggap niya ng mga mensahe sa Instagram galing sa mga lalaking user na iniimbita si Stevie sa kanilang mga sekswal na pantasya. Bago niya inalis ang mga post sa Instagram at isa-pribado ang kanyang account, madalas na nakakatanggap si Stevie ng mga komento na may kinalalaman sa partikular na bahagi ng kanyang katawan, tulad na lamang ng kanyang balakang at puwit. Sabi pa ng ibang mga users na nagtatago sa likod ng online persona, perpekto umano ang katawan ni Stevie “para sa pagdalala ng kanilang mga anak”. Gayunpaman, hindi ito ang buong sukat ng nakakatakot at traumatikong karanasan ni Stevie. Dumating sa punto kung saan sunud-sunod ang daloy ng mensahe ng isang lalaking user kay Stevie, at walang humpay ang pagtatanong nito kung may nail polish ang kuko sa paa ni Stevie at hiniling pa na bilisan ni Stevie ang pagtugon upang mas mabilis din syang mag-ejaculate.
Ang naranasan ni Stevie ay isang uri ng online gender-based violence (OGBV), na itinuturing bilang anumang kilos na “ginawa, tinulungan, pinalubha, o pinalakas sa pamamagitan ng paggamit ng information communication technologies o iba pang mga digital tool na nagreresulta sa pisikal, sekswal, sikolohikal, panlipunan, pampulitika o pang-ekonomiyang pinsala o iba pang mga paglabag sa karapatan at kalayaan” (UN Women, 2023). Kabilang sa maraming uri nito ay ang
- Sextortion
- Cyberstalking
- Online Harassment
- Hate Speech
- Cyberbullying
- Non-Consensual Sharing of Intimate Images
Sa Pilipinas, ang Foundation for Media Alternatives ay nagdokumento ng kabuuang 686 na kaso ng OGBV sa kanilang 2023 midyear report. Ito ay isang makabuluhang pagtaas kumpara sa 659 na dokumentadong kaso ng OGBV mula 2021 hangang 2022 ng Disyembre. Sa pagsisimula ng COVID-19 pandemic, napansin din ng Commission on Human Rights’ Gender Ombud Report ang matinding pagtaas sa mga kaso ng OGBV. Sa panahon ng pambansang halalan noong 2022, laganap ang pagkalat ng misogynistic at matahas na pananalita, kung saan ang mga babaeng kandidato sa pulitika ang madalas na pinatatamaan. Batay sa pagsusuri sa fact-checking ng Tsek.ph, 96% ng disinformation na kinasangkutan noon ni Vice President Leni Robredo, na tumakbo bilang presidente, ay negatibo – nangangahulugan na ang nilalaman ng content ay talagang ginawa upang siraan sya at gibain ang kanyang reputasyon.
Sa iba’t ibang bahagi ng mundo, ang mga kaso ng OGBV ay kalimitang hindi nakikilala ng mga victim-survivors at kahit ng ibang mga nang-aabuso dahil sa kakulangan sa kaalaman at pag-unawa tungkol sa kung ano ang maituturing na OGBV. Sa internet, marami pa ring mga di masagot-sagot na tanong tungkol sa mga patakaran ng magandang asal sa social media at pagtatakda ng hangganan. May mga kaso din ng mga komento o sikat na online games na sa unang tingin ay hindi naman nakakapahamak, ngunit, kung susuriing mabuti, may aspeto ng gender-based violence ang mga libangang ito. Halimbawa, ang “titikman o tatakpan” na challenge ay sumikat sa Pilipinas at libo-libong mga content creators at user ang naglaro nito nang walang pag-unawa sa implikasyon nito. Ang challenge, na sumikat sa Youtube at Tiktok dalawang taon na ang nakalipas, ay ginagawa ng mga users sa pamamagitan ng pagpili kung ano ang gusto nilang gawin sa isang tao – kung titikman ba nila o tatakpan ang kanilang mga mukha. Ang “titikman” ay may sekswal na kahulugan at maaring maging isang porma ng online sexual harassment sapagka’t ang implikasyon nito ay ang kagustuhang tikman ang tao sa pamamagitan ng sekswal na pamamaraan.
Big Tech at Pananagutan ng Gobyerno
Patuloy na kumakalat ang OGBV dahil sa mahinang mga polisiya na ipinapatupad ng mga Big Tech na kompanya gaya ng Google at Meta tungkol sa pag-kontrol ng hate speech, cyberbullying, and non-consensual sharing of intimate images o ang pagpapakalat ng nudes o mga larawan na hubo’t hubad ang isang tao na walang pahintulot. Kahit na may itinakdang community guidelines ang mga social media platforms para makontrol ang mga content na pinopost sa kanilang websites, ang pag-alis ng mga mapanirang content ay nakasalalay sa pag-report ng mga users. Mahina at kulang ang aktibong pag-monitor sa mga posts ng mga users kung kaya’t nakakalusot pa rin ang mga mapanirang content na nagpapakalat ng karahasan sa mga babae at mga miyembro ng LGBTQIA+ community.
Habang ang mga post na nasa ilalim ng saklaw ng OGBV ay mahirap tanggalin, sistematikong tinatanggal naman ng Meta ang mga post tungkol sa karapatang sekswal at reproductive health rights ng mga kababaihan at mga taong may magkakaibang kasarian, ayon sa pag-aaral ng Center for Intimacy Justice. Sa 60 negosyo na nakapanayam ng Center, isang daang porsyento ang nagsabi na ang kanilang mga patalastas na nakatuon sa kalusugan ng kababaihan ay tinanggihan ng Facebook at Instagram. Kasama sa mga tinanggihang patalastas ay ang mga pahayag gaya ng menopause, pelvic pain, sexual wellness, at menstrual health, at iba pa.
Dahil sa paglaganap ng mapoot na salita at cyberbullying, dati na ring nagkaroon ang Twitter ng panahon kung saan ang mga user ay humangad ng hustisya sa pamamagitan ng tinatawag na call-out culture o cancel era. Makatwiran man o hindi ang pag-cancel ng isang tao, ang panganib nito ay ang posibleng paglaganap ng mob mentality at toxic mindset ng mga taong sumasabay sa bandwagon ng pagkamuhi sa isang tao nang hindi lubos na nalalaman ang buong pangyayari.
Bukod sa pananagutan ng mga Big Tech na kumpanya, may pananagutan din ang gobyerno sa pagtiyak ng kaligtasan ng mga tao sa OGBV. Mayroong Republic Act 10175 o ang Cybercrime Prevention Act of 2012 at Republic act 9995 o ang Anti Photo and Voyeurism Act. Ngunit may limitasyon ang mga batas na ito; halimbawa, ang mga nakaligtas sa revenge porn ay maaari lamang magsampa ng mga kasong criminal laban sa mga salarin kung kilala nila ang mga may sala at hindi sila nakatago sa likod ng anonymous profile. Bukod dito, ang mga batas at patakarang ito ay kadalasang inilalapat lamang kung ang isyu ay iniulat. Ano ang mangyayari sa mga pahayag at komento na nananatiling hindi iniulat?
Ang Mga Kabataang Pilipino ay Nagsasalita Laban sa OGBV
Sa kabila ng mga pinsala at panganib na ito, dapat ipaalala na ang mismong mga gumagamit ng mga social media platform ay may kritikal na papel na dapat gampanan sa pagpigil sa OGBV. At bilang pinakamalaking bahagi ng online ecosystem, ang mga kabataang Pilipino ang nangunguna sa pagiging changemakers upang labanan ang iba’t ibang anyo ng OGBV. Hindi maikakaila na may malakas na presensya sa social media ang mga Filipino Gen Z at millennial. Maaaring maging kapaki-pakinabang para sa mga batang Pilipino na maging “chronically online” dahil ito ay nagbigay-daan din sa kanila na dalhin ang kanilang aktibismo sa kanilang mga online timeline. Ang isang pangunahing paraan na ginagamit ng mga kabataang Pilipino upang ipahayag ang kanilang mga alalahanin ay sa pamamagitan ng mga viral hashtag. Nailarawan na ito sa panahon ng pandemya ng COVID-19, nang ang hashtag na #Ang LigtasBalikEskwela ay naging outlet para sa mga kabataan upang ipahayag ang kanilang mga kahilingan sa gobyerno ng Pilipinas tungkol sa paglipat mula sa online patungo sa face-to-face classes.
Ang isang hashtag na sumikat na may kinalaman sa paglalantad ng iba’t ibang uri ng gender-based violence online at offline ay ang #HijaAko. Sumikat ito noong Hunyo 2020 nang magsalita si Kakie Pangilinan, isang mang-aawit at manunulat ng kanta, hinggil sa tweet ng TV personality na si Ben Tulfo na nagbabala sa mga “sexy ladies” na mag-ingat sa kanilang pananamit dahil baka ito ay magiging sanhi ng “inviting the beast”. Ito ang sagot ni Tulfo sa Facebook post ng Lucban Municipal Police Station na tila sinisisi ang mga kababaihan at kanilang pananamit sa kanilang posibleng pagkaranas ng sexual abuse.
Si Kakie Pangilinan, na 19 taong gulang lamang nung siya ay nag-tweet ng #HijaAko, ay nagsalita hinggil sa pagpapatuloy ng kultura ng rape at pang-aabuso sa mga kababaihan dahil sa mga patriarkal na pag-iisip na nais normalisahin ang sexual aggression ng mga lalaki sa mga kababaihan. Dahil sa tapang na ipinakita ni Kakie sa kanyang pagsiwalat tungkol sa kultura ng rape sa bansa, maraming kabataang Pilipina ang gumamit ng hashtag para magbahagi ng kanilang mga kwento. Ito rin ay ginamit nila para magsalita hinggil sa mapahamak na kultura ng pagpapatahimik sa mga victim-survivors ng sekswal na pang-aabuso at paninisi sa mga biktima o victim-blaming.
Sa ating pakikibaka tungo sa mas ligtas na online spaces, ikaw rin ay may kapasidad na makatulong sa pagbabago at pagbaba ng ilang uri ng OGBV. Una sa lahat, maari mong gamitin ang iyong sariling social media platform para mag-umpisa ng talakayan tungkol sa mga ganitong usapin. Hindi mo kailangan ng maraming followers para mapag-usapan ang iyong karanasan. Isang Instagram story or Facebook post kung saan ibinabahagi mo ang nakakatakot na DM na natanggap mo o mga komento tungkol sa iyong pananamit ay sapat na para maka-umpisa ng diskusyon. Pangalawa, maari mong mapalawak ang iyong kaalaman sa pamamagitan ng pag-follow sa mga kampanyang tinataguyod ng mga kabaataan gaya ng Ayaw Ko Pagyawa-a. Ang Ayaw Ko Pagyawa, o sa Filipino ay “huwag mo akong demonyohin”, ay isang social media na kampanya sa ilalim ng Digital Disruptors Ph na project ng Amnesty International Philippines. Nilalayon ng kampanyang ito na lumalim ang pagka-alam ng mga kabataang Pilipino tungkol sa online gender-based violence. Kalakip ng magandang mga infographics at mga caption na ayon sa wika ng mga Gen Z, ang kampanyang ito ay hinahangad na maintindihan at makilala ng mga kabataang Pinoy kung ano ang mga kilos nila online na maari maging porma ng OGBV.
Kahit lumalawak at lumalakas ang presensya ng internet at social media sa ating buhay, mayroon pa ring kakulangan sa mga inisyatiba na nagtataguyod ng ating mga karapatan online at pagkilos laban sa OGBV. Ito na ang senyales na gamitin mo ang iyong abilidad para gawing mas ligtas ang ating online space. Paalala: nag-uumpisa pa lang ang ating paglalakbay sa napakalawak na mundo ng online space.